Mahirap panatilihing buhay ang wika kung ikaw lamang ang tanging bumibigkas nito sa iyong kinalalagyan. Hinahagilap ng isip ang bawat hakbang ng salita, hindi madaling magtatakbo kung saan pumapanig-panig at kumakampay ang imahinasyon. Kaya nga dumadalang ang aking pagsusulat ng mga tula sa Filipino. Balak kong gisingin muli ito sa pamamagitan ng pagsasalin. Ang una ko sanang proyekto – idedeklara na kahit hindi tiyak kung mabibigyang-pansin agad – ay ang pagsasalin ng mga piling akda ko mula sa Inggles/Ingles (alin ba ang higit na popular na baybay?). Ito sana ang pamagat:
KaLaman at DayuHan: mga saling-sarili.
Ngayong taon ilalabas ang una kong aklat ng mga maikling kuwento (SANGA SA BASANG LUPA) sa wikang kinagisnan. Gayong matagal nang nailatag sa papel ang mga salitang naipon bilang mga kuwento, ngayon lamang sila sabay-sabay na hahakbang sa mas malawak na daigdig. Pangamba kong matindi ang kanilang kahihinatnan. Magiging mabuti kaya ang kanilang paglalakbay? Paano kaya sila tatanggapin ng mga mambabasa? Sino kaya ang aampon sa kanila? Ilulunsad sila kasabay ng aking ikapitong aklat ng mga tula (A THOUSAND EYES) sa mga susunod na buwan. Sana, o sana, pagbuksan sila ng pinto, o kahit man lamang ng bintana. Lagi, kakambal ng “sana” ang “pag-asa.”
(ROUGH TRANSLATION: I’m worried I am losing my ability to write in my mother tongue so I am embarking on translating my selected poems from English to Filipino, even as two new books are due to be launched this year – SANGA SA BASANG LUPA (my first collection of short stories in Filipino) and A THOUSAND EYES (my seventh book of poetry). I hope to have an online launch of both books in Manila and a launch of the poetry books in English in Cape Town – if all goes as planned (more “as hoped for”).
Leave a Reply