
Wikang Buwaya
tugon sa “Gahasa sa Gahasa” ni Rebecca T. Añonuevo
Sa ilalim ng tulay, nakakubling kapiling
ang mga lumot na madulas na umiindayog
sa lilim, may tahimik na naghihintay.
Tila tuod na nabuwal ng ulol na bagyo
mula sa Timog, hindi siya matinag
sa lublob na kinalalagyan. Hanggang
isang araw may mamataang nilalang
na maaaring mapagbuntunan ng naisaloob
na karahasan. Tatalas ang mga mata, iigkas
ang maiikli ngunit matipunong mga biyas
at lalantad sa isang iglap ang kinang-sa-laway
na mga pangil. Sagpang, papilipit na patuwad-
balibag-hataw-pagpapalag sa tubig
na mag-aalimbukay sa lumot at putik.
Hindi pakakawalan ang duguang katawan
kahit pa man magsigawan ang mga gimbal
na saksi. Walang silbi ang ipinukol nilang mga buhay
na bato. May sariling wika ang mga buwaya.
-o-