Tag Archives: Genaro Ruiz Gojo Cruz

Ang Nakalimutang Banggitin ni Gojo

Nakikita ko lang siya
Lagi sa telebisyon.
Nagsasalita na parang tatay.
“Uuwi na si Lolo” ni Genaro Ruiz Gojo Cruz

Sa hiram na tinig ng apo,
pinadaloy mo ang mga salitang hindi naiiba
sa daigdig ng karaniwang bata

karaniwang pagkauhaw sa kalinga
karaniwang pagkasabik sa pag-uwi at muling pagkikita
karaniwang pagnanais na huwag nang mawalay pa.

Halos malunod sa sabik
ang iyong piniling tinig.

Ngunit saang lungga mo hinugot
ang musmos na ito?
Sa kanyang kunwaring daigdig
na may telebisyon
walang inilublob sa pighati
walang minamahal na hindi na mayayakap
walang batang hindi na muling maririnig
ang tinig ng magulang.

Gojo, may sariling mga mata
kahit ang musmos. Alam niya
ang kulay ng dugo hindi man
sa sariling sugat bumulwak.

Hindi karaniwang lolo
ang pinakahihintay na umuwi
sa iyong kunwa-tula-pambata.
Ang lolong ito ay mamamatay-tao.

-o-