Pauwi sa Ngiti
para sa kaarawan ng aking mahal na ina
Nagpaalam ako sa iyo noon.
Noon, ang buo kong daigdig ay maipagkakasya
sa bakpak na bughaw na maong,
kabughawang lumalalim kapag napapatakan
ng ulan. Anim na taon ako, malamang.
Puno ng pagngangalit na simpula
ng kotseng laruan sa puso ng kamao,
pagtatampo na hinayaan mong
magpakawala ng malaalupihang salita.
Hindi ko alam kung natakot kang
makita akong lumabas ng tarangkahan.
Ilang hakbang na hindi man lamang
umabot sa tindahan ni Aleng Tinay
At napahinto ako. Inupuan ang bakpak
na pinabuntis ng mga laruan at damit
sa pagmamadali. Humangos ang mainit
na hangin, sinipa ang alikabok,
Salbaheng kalaro. Napuwing ako,
naluha nang di-sadya.
Halos bulag akong tumayo
at, kipkip ang bakpak,
Sinalat ang walang pintura
at magaspang na pader na kongkreto
pabalik sa tarangkahan.
Mumunti ang hakbang pauwi
Sa iyong nangangambang ngiti.
-o-
Kaarawan ngayon ng aking mahal na ina. Tinawagan ko siya. Himala at narinig niya ang aking pagbati. May mga araw na hindi sinlinaw ang linya ng telepono, o hindi sinlakas ang aking tinig, o kaya ay may kahinaan ang kanyang pandinig. Isang araw isasalin ko ito. Isang araw ako mismo ang magbibigay sa kanya ng kopya. Isang araw mababasa ko sa kanya ito. Sana. Sa ngayon, ikaw na mambabasa siguro ang mauuna pang makakabasa nito kaysa kanya. Ikaw na hindi umaruga sa akin, ikaw na baka hindi ko man lang kilala.